Sa ikatlong pagkakataon, muling pinarangalan ng national broadsheet na The Manila Times ang bayan ng Nunungan sa Lanao del Norte sa katatapos lamang na The Manila Times 3rd Philippine Model Cities and Municipalities na ginanap sa New World Manila Bay Hotel sa Lungsod ng Manynila.

Nauna nang pinarangalan ang Munisipalidad ng Nunungan bilang Most promising Municipality kabilang na ang paggawad ng Social Services Oriented Award sa magkasunod na taong 2017 at 2018.

Personal na tinangap ni Mayor Marcos Mamay kasama ang kanyang anak na si Youth Ambassador Angelo Mamay ang Safe Haven Award bilang pagkilala sa tagumpay na pagreresolba ng bayan sa mga di pagkakaunawaan na nagreresulta sa tinatawag na “rido” o awayan sa pagitan ng mga pamilya at angkan sa Mindanao.

Naging basehan rin sa nasabing pagkilala ang hindi mabilang na mga parangal na iginawad sa Nunungan kabilang na ang pagkakasama nito sa Top 15 Most Resilient Municipalities sa Mindanao na siyang tangi o nagiisang bayan sa buong Region 10 na tumanggap ng ganoong pagkilala.

Kasama rin sa mga tumanggap ng parangal ay ang lungsod ng Iligan para sa Social Services Oriented Award, samantalang kapwa tinaggap ng Lungsod ng Bacolod at Bayan ng Liloan ang pagiging Top Model City at Munipality ngayong taon.

Ang The Manila Times 3rd Philippine Model Cities and Municipalities para sa taong ito ay nagkaloob ng 26 na mga parangal sa ibat-ibang kategorya para sa mga napiling Lungsod at Munisipalidad bukod pa rito ang pagkilala sa mga Top Cities and Municipalities sa bansa.